Beijing, Tsina—Sa kanyang pakikipagtagpo Martes, Mayo 29, 2018, kay Prince Andrew, Duke of York ng Britanya, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na igigiit ng kanyang bansa ang pagpapalawak ng pagbubukas, at palalawakin ang pandaigdigang kooperasyon sa larangan ng inobasyon. Aniya, ang pagpapalakas ng Tsina at Britanya ng kooperasyong pansiyensiya't panteknolohiya ay makakatulong sa pagsasakatuparan ng mutuwal na kapakinabangan at win-win situation, at magdaragdag ng mas maraming nilalaman para sa "ginintuang panahon" ng relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Prince Andrew na lubos na pinag-uukulan ng pansin ng Britanya ang pagbabago ng kabuhayang Tsino mula sa mabilis na paglago tungo sa de-kalidad na pag-unlad. Nakahanda siyang magpunyagi para mapalakas ang pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa sa siyensiya't teknolohiya, inobasyon, industriya at iba pang larangan, mapahigpit ang pag-uunawaan ng mga mamamayan, at mapasulong ang pagtatamo ng "ginintuang panahon" ng dalawang bansa ng mas malaking pag-unlad.
Bumisita si Prince Andrew sa Tsina para dumalo sa final ng ika-2 Pitch@Palace China na nakatuon sa inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya.
Salin: Vera