Beijing, Tsina—Miyerkules, Mayo 30, 2018, nakipagtagpo si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, kay Bounnhang Vorachith, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Lao People's Revolutionary Party at Pangulo ng Laos. Kapuwa binigyang-diin nilang dapat pasulungin ang pagtatamo ng bagong bunga ng konstruksyon ng community with a shared future ng Tsina at Laos, para makapaghatid ng mas maraming benepisyo sa dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.
Binigyang-diin ni Xi na kasabay ng pagpasok ng relasyong Sino-Lao sa bagong yugto ng pag-unlad, dapat palakasin ng kapuwa panig ang estratehikong pag-uugnayan, para mapatibay ang pundasyong pulitikal ng community with a shared future. Aniya pa, kailangang palalimin ang pragmatikong kooperasyon, para mapahigpit ang ugnayan ng komong interes ng nasabing komunidad. Dagdag pa ni Xi, dapat ding palakasin ang kooperasyong panseguridad, para maigarantiya ang katiwasayan, at dapat pasiglahin ang pagpapalitang kultural, para mapatibay ang pundasyon ng mithiin ng mga mamamayan ng komunidad. Sinabi pa niyang nararapat pahalagahan ang pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal, para mapasulong ang tuluy-tuloy na pag-unlad ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan.
Sinang-ayunan ng Pangulong Lao ang kuru-kuro ni Pangulong Xi hinggil sa pagpapasulong sa konstruksyon ng community with a shared future ng Tsina at Laos. Nakahanda aniya siyang ibayo pang patingkarin ang namumunong papel ng relasyon ng dalawang partido para sa relasyon ng dalawang bansa, at panatilihin ang regular na pagtatagpo ng mga opisyal sa mataas na antas ng dalawang partido. Pabibilisin ang pagpapasulong sa kooperasyon ng malalaking proyekto sa ilalim ng balangkas ng Belt and Road, at pahihigpitin ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at padaigdig, dagdag pa niya.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang dumalo ang dalawang lider sa seremonya ng paglagda ng mga kaukulang dokumentong pangkooperasyon.
Salin: Vera