Sa kanyang pakikipag-usap, Hunyo 10, 2018 sa Qingdao kay Pangulong Hassan Rouhani ng Iran, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagtanggap sa pagdalo ni Pangulong Rouhani sa SCO Qingdao Summit. Tinukoy ng pangulong Tsino na nitong dalawang taong nakalipas, sapul nang maitatag ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Iran, naging mahigpit at mabunga ang pagtutulungan ng dalawang panig sa ibat-ibang larangan. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap, kasama ng Iran para magkasamang pasulungin ang pangmatagalang estratehikong partnership.
Tinukoy ng Pangulong Tsino na ang Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) ay resulta ng multilateralismo. Kinakatigan aniya ng Tsina ang patuloy na pagpapatupad sa JCPOA. Ito aniya'y makakatulong sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan ng Gitnang Silangan, at sistema ng di-paglaganap ng sandatang nuklear sa daigdig.
Ipinahayag naman ni Pangulong Rouhani na positibo ang Iran sa maalwang pag-unlad ng komprehensibong estratehikong partnership sa Tsina. Nakahanda aniya ang Iran na magsikap, kasama ng Tsina para palalimin ang pragmatikong pagtutulungan sa ibat-ibang larangan, at pasulungin ang konstruksyon ng "Belt and Road Initiative."