Beijing, Tsina—Miyerkules, Hulyo 4, 2018, sa kanyang pakikipagtagpo kay Valentina Matvienko, dumadalaw na Ispiker ng Russian Federation Council, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na sa kasalukuyan, nasa pinakamagandang panahon sa kasaysayan ang relasyong Sino-Ruso, at nagsilbi itong modelo ng pagpapalitan ng mga malaking bansa at magkapit-bansa. Aniya, dapat pahalagahan at pangalagaan ng kapuwa panig ang mahusay at matibay na estratehikong partnership, at buong tatag na palalimin ang komprehensibo't estratehikong kooperasyon. Dapat ding buong tatag na katigan, tulad ng dati, ang pangangalaga sa nukleong interes ng isa't isa, aktibong lahukan ang mga suliraning pandaigdig at pagsasaayos na pandaigdig, at gumawa ng ambag para sa kapayapaan at katatagan ng mundo, dagdag pa ni Xi.
Sinabi naman ni Matvienko na sa ilalim ng pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa, naisakatuparan ng relasyong Sino-Ruso ang pag-unlad sa mataas na antas. Nakahanda aniya ang kanyang konseho na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina, at palakasin ang pagpapalitan ng karanasan sa mga aspektong gaya ng lehislasyon. Pasusulungin din aniya ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, pahihigpitan ang koordinasyon sa mga multilateral na organisasyon ng parliamento, at mas mainam na paglilingkuran ang pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Salin: Vera