Inilabas kahapon, Martes, ika-10 ng Hulyo 2018, ng pamahalaang Amerikano ang listahan ng 200 bilyong Dolyares na aangkating produktong Tsino na papatawan ng karagdagang 10% taripa.
Kaugnay nito, sinabi ngayong araw ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ay nagpapakitang patuloy ang Amerika sa pagsasagawa ng trade bullying.
Nang araw ring iyon, sinabi naman ni Li Chenggang, Asistenteng Ministro ng Komersyo ng Tsina, na ang aksyong ito ng Amerika ay ibayo pang manggugulo sa globalisasyong pangkabuhayan, at makakasira sa pandaigdig na kaayusan ng kabuhayan.
Tinukoy ni Li, na nakikita na ang ilang negatibong epektong dulot ng alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika. Aniya, noong unang hati ng taong ito, bagama't nanatiling lumaki ang kalakalan ng dalawang bansa, ang bolyum ng paglaki ng pagluluwas ng Tsina sa Amerika ay bumaba ng 13.9% kumpara sa gayun ding panahon ng nagdaang taon, at noong unang limang buwan ng taong ito, bumaba naman ng 21.1% ang non-financial direct investment ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Amerika.
Dagdag ni Li, walang mananalo sa digmaang pangkalakalan, at magkakaroon ng kapinsalaan ang mga bahay-kalakal ng kapwa Tsina at Amerika. Ang pagtutulungan aniya ay siyang tanging tamang pagpili ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai