Miyerkules, Hulyo 11, 2018, sinimulan ng World Trade Organization (WTO) ang ika-7 beses na pagsusuri sa patakarang pangkalakalan ng Tsina. Sa pulong ng pagsusuri nang araw ring iyon, isinalaysay ni Wang Shouwen, Pangalawang Ministro ng Komersyo at Pangalawang Punong Negosyador sa Kalakalang Pandaigdig ng Tsina, ang natamong progreso ng bansa sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, mga pangunahing patakaran sa reporma't pagbubukas sa labas, at mga aksyon ng Tsina sa aktibong pakikisangkot sa sistema ng multilateral na kalakalan, at pagpapatingkad ng papel bilang isang responsableng malaking bansa.
Ani Wang, sapul nang sumapi ang Tsina sa WTO, noong 2001 hanggang taong 2017, naging 13.5% ang karaniwang taunang paglaki ng pag-aangkat ng paninda ng Tsina, at ito ay katumbas ng 2 ulit ng karaniwang lebel sa daigdig. Dagdag pa niya, 16.7% naman ang karaniwang taunang paglaki ng pag-aangkat ng serbisyo nito, na katumbas ng 2.7 ulit ng karaniwang lebel sa daigdig. Hanggang noong Abril, 2018, inilunsad ng Tsina ang 17 pagsakdal sa WTO, at nagkaroon naman ng 41 pagsakdal laban sa Tsina. Iginalang at mataimtim na ipinatupad aniya ng Tsina ang hatol sa bawat kaso, at gumawa ng pagsasa-ayos na angkop sa mga regulasyon ng WTO.
Ipinahayag pa ni Wang na sa kasalukuyan, nahaharap sa matinding hamon ang sistema ng multilateral na kalakalan. Nananawagan aniya ang Tsina sa mga kasapi ng WTO na tutulan ang trade hegemonism, proteksyonismo at unilateralismo, at resolbahin ang sistematikong banta ng mga unilateral na aksyon sa WTO.
Salin: Vera