Sinabi kahapon, Lunes, ika-16 ng Hulyo 2018, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na taliwas sa katotohanan ang di-umanong pagkakaroon ng mga proyekto ng Belt and Road Initiative (BRI) ng problema sa buong daigdig, na binanggit sa isang artikulo ng pahayagang Financial Times ng Britanya.
Kamakailan, nagpalabas ng artikulo ang Financial Times na nagsasabing kinakaharap ng mga proyekto ng BRI ang problema sa buong daigdig, at ang mga pangunahing dahilan dito ay hindi pagiging transparent ng financing ng Tsina, at di-angkop sa lokal na kondisyon ang mga proyekto.
Kaugnay nito, sinabi ni Hua, na ang pagbabahagi ng mga pakinabang sa pamamagitan ng pagsasanggunian at pagbibigay-ambag ng lahat ay saligang prinsipyo ng kooperasyon ng BRI. Aniya, habang isinasagawa ang mga proyekto ng BRI, iginigiit ng Tsina at mga may kinalamang bansa ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay, pagiging bukas, at pagiging transparent, isinasailalim ang mga proyekto sa operasyon ng pamilihan at mga bahay-kalakal, sinusunod ang mga batas ng pamilihan at pandaigdig na tuntunin, at itinatakda ang bawat proyekto sa pamamagitan ng pagsasanggunian ng iba't ibang may kinalamang panig. Pagdating naman sa isyu ng financing, dagdag ni Hua, ginawa ng Tsina at iba pang 26 na bansa ang dokumento hinggil sa mga pampatnubay na prinsipyo sa financing ng BRI. Ito aniya ay para maiwasan ang di-maliwanag na financing at maisakatuparan ang mainam na paggamit ng mga pondo sa mga proyekto ng BRI.
Sinabi rin ni Hua, na sa kasalukuyan, dahil sa di-matatag na kalagayan ng kabuhayang pandaigdig, at problema sa makro-ekonomiya, elementong pampulitika, o likas na kalamidad sa ilang bansa, kinakaharap ng ilang proyekto ng BRI ang kahirapan. Pero aniya, ito ay mga indibiduwal na kaso, at hindi ito nangangahulugang nagkakaroon ang BRI ng problema sa buong daigdig.
Salin: Liu Kai