Nakipagtagpo kahapon, Lunes, ika-16 ng Hulyo 2018, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Jim Yong Kim, Gobernador ng World Bank (WB).
Positibo si Xi sa matagal na kooperasyon ng Tsina at WB, at pagkatig ng WB sa Belt and Road Initiative (BRI). Dagdag niya, nitong ilang taong nakalipas, isinasagawa ng WB ang capital increase at shareholding reforms, at ito ay nagpapalakas ng representasyon at karapatang bumoto ng mga bagong-sibol at umuunlad na bansa.
Sinabi rin ni Xi, na ang pag-unlad ng Tsina ay bunga ng globalisasyong pangkabuhayan at malayang kalakalan, at nagbigay rin ito ng malaking ambag sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig. Tinututulan aniya ng Tsina ang mga walang katwirang pagbatikos sa bansa, at patuloy na kakatigan ang multilateral na sistemang pangkalakalan at malayang kalakalan at pamumuhunan.
Hinahangaan naman ni Kim ang aktibong paglahok ng Tsina sa pandaigdig na pamilihan at pagkatig sa globalisasyon. Sinabi rin niyang, mayroong pangmalayuang pananaw ang BRI, at makakatulong ito sa pandaigdig na kooperasyon at pagbabawas ng kahirapan. Nakahanda aniya ang WB, kasama ng Tsina, na palalimin ang kooperasyon sa ilalim ng BRI.
Salin: Liu Kai