Ipinahayag ngayong araw, Sabado, ika-28 ng Hulyo 2018, ng International Development Cooperation Agency ng Tsina, na magkakaloob ang pamahalaang Tsino ng mga materyal bilang pangkagipitang tulong sa pamahalaan ng Laos para sa rescue at relief works nito sa aksidente ng pagguho ng dam ng isang hydropower plant.
Ayon sa naturang ahensiya, ang naturang mga materyal ay kinabibilangan ng 100 rubber boat, 500 tolda, at 100 water purifier. Pabibilisin ang paghahatid ng mga ito sa mga apektadong lugar ng Laos, dagdag pa ng ahensiya.
Samantala, sa kasalukuyan, isang grupong medikal ng tropang Tsino ang nakatalaga sa pinakagrabeng apektadong lugar ng naturang aksidente. Ang grupong ito ay binubuo ng 4 na tauhang medikal at may dalang isang modernong health and epidemic prevention vehicle. Ang pangunahing tungkulin nito ay iwasan at kontrolin ang mga nakahahawang sakit sa apektadong lugar.
Salin: Liu Kai