Sinabi kamakailan sa Beijing ni Barbara Janet Woodward, Embahador ng Britanya sa Tsina, na bilang matatag na tagapagtanggol ng multilateral na mekanismo, nakahanda ang panig Britaniko na pangalagaan, kasama ng panig Tsino, ang multilateralismo, at pasulungin ang liberalisasyon ng kalakalan.
Aniya, sa kasalukuyang kalagayan ng paglala ng alitang pangkalakalan sa buong mundo, nakahanda ang Britanya na magpunyagi, kasama ng Tsina, para maigarantiya ang pagpapatingkad ng mabisang papel ng World Trade Organization (WTO) sa mekanismo ng pagresolba sa alitang pangkalakalan. Buong lugod na nakita ng Britanya ang pagsasagawa ng Tsina at Unyong Europeo (EU) ng kooperasyon sa reporma ng WTO, at ibayo pang pagkokompleto sa WTO, dagdag pa niya.
Sinabi ni Woodward na nananatiling mahigpit ang relasyon ng kalakalan at pamumuhunan ng Tsina at Britanya. Winewelkam aniya ng panig Britaniko ang hakbangin ng Tsina sa patuloy na pagpapalawak ng pagbubukas ng pamilihan. Ipapadala aniya ang delegasyon sa mataas na antas, para dumalo sa gaganaping unang China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai sa kasalukuyang Nobyembre.
Salin: Vera