Huwebes ng hapon, Agosto 2, 2018, sa preskon pagkatapos ng kanyang pagdalo sa China-ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Foreign Ministers' Meeting, inilahad ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina, ang tampok at natamong bunga ng nasabing pulong.
Ipinahayag ni Wang na mas maharmonya, matatag at mapagkaibigan kaysa noon ang pulong sa kasalukuyang taon, bagay na muling nagpapakita ng ibayo pang paglakas ng pagtitiwalaan ng Tsina at mga bansang ASEAN. Aniya, narating sa pulong ng Tsina at mga bansang ASEAN ang single draft negotiating text ng Code of Conduct in the South China Sea (COC), at nagsilbi itong pinakamalaking tampok ng pulong. Ito aniya ay bagong mahalagang progreso ng pagsasanggunian sa COC. Mapapatunayan ng katotohanan na may kakayahan ang Tsina at mga bansang ASEAN na magkakasamang pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at may katalinuhan din silang marating ang isang regulasyong panrehiyon na magkakasamang susundin ng iba't ibang panig, dagdag pa ni Wang.
Kaugnay ng pinakamalaking natamong bunga ng kasalukuyang pulong, sinabi ni Wang na pumasok sa bagong yugto ng komprehensibong pag-unlad ang relasyong Sino-ASEAN, sa mga aspektong gaya ng plano sa kooperasyon, kooperasyong panseguridad, kooperasyon sa inobasyon, pagpapalitang kultural, garantiya sa pondo at iba pa. Aniya, magkasamang tatamasahin ng Tsina at ASEAN ang pagkakataon, at haharapin ang hamon, para itatag ang mas mahigpit na community with a shared future.
Salin: Vera