Nilagdaan kamakailan ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang Foreign Investment Risk Review Modernization Act. Ang layon ng batas na ito ay pagpapalakas ng kapangyarihan ng Committee on Foreign Investment ng Amerika, at sa gayon, isasagawa ng komiteng ito ang mas mahigpit na pagsusuri sa mga kaso ng pamumuhunang dayuhan sa Amerika.
Itinatag noong 1975 ang Committee on Foreign Investment ng Amerika, na binubuo ng mga kinatawan mula sa 16 na departamento at ahensiya ng pamahalaang Amerikano. Sa administrasyon ni Trump, lumalala ang proteksyonismo sa loob ng Amerika, at ang naturang batas ay resulta ng kalagayang ito.
Ang tungkulin ng Committee on Foreign Investment ng Amerika ay pagsusuri sa mga isyung may kinalaman sa national security sa mga kaso ng pamumuhunang dayuhan sa mga kompanyang Amerikano. Pero, sa kasalukuyan, nangingibabaw ang Amerika sa daigdig sa mga aspekto ng pulitika, kabuhayan, militar, siyensiya, teknolohiya, at iba pa. Sino ang may kakayahang magbanta sa national security nito? Ito ay pangangatwiran lamang. Ang tunay na layunin ng Amerika ay paghadlang sa pag-access ng ibang bansa sa mga maunlad na teknolohiya, at pagpapanatili ng monopolyo nito sa mga industriya at teknolohiya.
Nitong mga taong nakalipas, marami ang mga kaso ng paggamit ng pamahalaang Amerikano ng dahilang "national security" para huwag payagan ang pamumuhunan sa mga kompanyang Amerikano ng mga dayuhang kompanya ng mga bansa, na gaya ng Hapon, Tsina, Russia, United Arab Emirates, at iba pa. Sa kabilang banda, dumarami naman ang pagdududa ng komunidad ng daigdig sa posibleng pang-aabuso ng Amerika sa paggamit ng national security bilang limitasyon sa pamumuhunang dayuhan. Sinabi minsan ni Nancy McLernon, Presidente ng Organization for International Investment, na dapat pag-ingatan ang pagsasapulitika ng pamumuhunan. Nanawagan siya sa Amerika, na huwag abusuhin ang paggamit ng national security, para magdulot ng malaking elementong kawalang-katatagan sa pandaigdig na kooperasyon sa pamumuhunan.
Ayon pa rin sa mga tagapag-analisa, sa short-term, ang limitasyon ng pamahalaang Amerikano sa pamumuhunang dayuhan ay magbabawas ng pagkakataong pangkaunlaran ng mga kompanyang Amerikano at paghahanapbuhay ng mga manggagawang Amerikano. Sa long-term naman, magdudulot ito ng negatibong epekto sa pag-unlad ng mga industriya at inobasyong panteknolohiya ng daigdig. Sa panahon ng globalisasyon, malakas ang hangarin at pangangailangan ng mga transnayonal na kompanya para sa pagpapalalim ng pagtutulungan sa pamumuhunan at pagpapalitan ng teknolohiya. Ito ay hindi dapat ipagwalang-bahala dahil sa anumang pangangatwirang pulitikal.
Salin: Liu Kai