Noong Agosto 12 ay ika-40 anibersaryo ng paglalagda ng Tsina at Hapon sa Kasunduang Pangkapayapaan at Pangkaibigan ng dalawang bansa. Noong araw ring iyon, nagpadala ng mensaheng pambati sa isa't isa sina Premyer Li Keqiang ng Tsina at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon. Kapwa nila ipinahayag na dapat palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng Tsina at Hapon, para sa pangmatagalang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Noong Mayo 8 ng taong ito, ipinalabas naman ng Premyer Tsino ang isang artikulo sa pahayagang Asahi Shimbun ng Hapon. Sinabi niyang dapat magbigay ng bagong simula sa usapin ng kooperasyong pangkapayapaan at pangkaibigan ng Tsina at Hapon. Aniya pa, tatahak ang dalawang bansa sa mahabang landas ng pagpapabuti ng kanilang relasyon, at sa landas na ito, maaring maging isang tampok ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Kung babalik-tanawin ang kasaysayan, makikita natin ang maraming bungang natamo ng Tsina at Hapon sa kanilang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan. Ang Hapon minsan ay pinakamalaking trade partner ng Tsina noong 1990s, at sapul noong 2007 hanggang 2017, ang Tsina naman ay nananatiling pinakamalaking trade partner ng Hapon sa loob ng 11 taon. Noong isang taon, lumikha ng record high ang halaga ng mga panindang iniluwas ng Hapon sa Tsina, at umabot ito sa halos 15 trilyong Japanese Yen.
Nitong ilang taong nakalipas, nakikita rin ang mga bagong elemento sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Hapon. Halimbawa, ayon sa Japanese External Trade Organization, ang mga produktong elektroniko ay nagiging isa sa mga pangunahing panindang inaangkat ng Hapon mula sa Tsina. Hinihikayat naman ng Tsina ang parami nang paraming pamumuhunan mula sa mga kumpanya ng kotse ng Hapon. Kasabay nito, positibo rin ang mga dalubhasa sa prospek ng kooperasyon ng dalawang bansa sa artificial intelligence, Internet finance, chip manufacturing, serbisyong medikal, at iba pa. Ang mga nabanggit ay magiging mahahalagang larangan para sa pagpapataas ng antas ng Tsina at Hapon ng kanilang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan.
Sa aspekto naman ng buong rehiyon at daigdig, iniharap din ng mga lider na Tsino at Hapones ang bagong tungkulin sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Halimbawa, itatag ang malayang sonang pangkalakalan ng Tsina, Hapon, at Timog Korea; magkasamang isagawa ang pakikipagtulungan sa ikatlong panig sa ilalim ng Belt and Road Initiative; magtulungan sa mga proyekto ng Asian Infrastructure Investment Bank; at iba pa. Batay sa prinsipyo ng mutuwal na kapakinabangan at win-win result, tiyak na isasakatuparan ng Tsina at Hapon ang pagpapataas ng antas ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, at magkasamang magbibigay din ang dalawang bansa ng bagong ambag sa kasaganaan at kapayapaan ng rehiyon at daigdig.
Salin: Liu Kai