Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-17 ng Agosto 2018, ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, ang pagtutol sa Annual Report to Congress: Military and Security Developments Involving the People's Republic of China 2018, na inilabas nang araw ring iyon ng Tanggapan ng Kalihim ng Depensa ng Amerika. Nagharap aniya ng representasyon ang panig Tsino sa panig Amerikano hinggil dito.
Sinabi ni Wu, na sa nabanggit na ulat, may mga walang batayan at maling nilalaman hinggil sa estratehikong intensyon ng Tsina, di-umanong "bantang militar mula sa Tsina," relasyon ng magkabilang pampang, kalagayan sa Taiwan Straits, at iba pa.
Dagdag ni Wu, ang paulit-ulit na paglabas ng panig Amerikano ng naturang ulat ay nakakapinsala sa pagtitiwalaan ng bansang ito at Tsina, at hindi angkop sa komong interes ng dalawang panig. Hinihiling aniya ng Tsina sa Amerika, na makatwirang pakitunguhan ang konstruksyon ng tanggulang bansa at tropa ng Tsina, itigil ang paglabas ng ulat na ito, at pangalagaan ang matatag na pag-unlad ng mga tropa ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai