Gaganapin sa Washington D.C. ang Pagsasangguniang Pangkabuhayan at Pangkalakalan ng Tsina at Amerika, bagay na nakakatawag ng lubos na pansin ng mga pangunahing media ng Amerika. Ayon sa mga ito, inaasahan ng iba't-ibang sirkulo ng bansa na magiging matatag ang bilateral na relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Amerika't Tsina.
Noong Agosto 16, ipinatalastas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na sa paanyaya ng panig Amerikano, nakatakdang bumiyahe sa Amerika sa huling dako ng kasalukuyang buwan, si Wang Shouwen, Pangalawang Ministro ng Komersyo at Pangalawang Kinatawang Tsino sa Talastasan ng Pandaigdigang Kalakalan para makipagsanggunian sa delegasyong Amerikano tungkol sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan na kani-kanilang pinahahalagahan.
Sa isang ulat na inilabas kamakailan ng "The Washington Post," sinabi nito na ang isinasagawang unilateral na patakarang pangkalakalan ng pamahalaang Amerikano ay nagdudulot ng pagkabahala sa mga trade partner nito. Anito pa, binatikos ng maraming ekonomistang Amerikano ang pamahalaan sa malaking pagdaragdag ng taripa sa mga inaangkat na produkto mula sa Tsina. Ipinalalagay nilang ito ay nakakalikha ng maigting na kalagayan sa relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Salin: Li Feng