Ipinahayag Agosto 29, 2018 ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-asang pahahalagahan ng komunidad ng daigdig ang progresong natamo sa paglutas sa isyu ng Rakhine. Umaasa rin aniya ang Tsina, na gaganap ng konstruktibong papel ang komunidad ng daigdig para pasulungin ang diyalogo sa pagitan ng Myanmar at Bangladesh.
Sa isang panel discussion na idinaos kamakailan ng UN Security Council, iminungkahi ng Lupong Pang-imbestigasyon ng UN na sasampahan ng kasong "pamamaslang ng lahi" ang mga mataas na opisyal-militar ng Myanmar kaugnay ng isyu sa mga etnikong Rohingya.
Hinggil dito, ipinahayag ni Hua na masalimuot ang historical background sa isyu ng Rakhine. Umaasa aniya siyang maayos na malulutas ito ng Myanmar at Bangladesh sa pamamagitan ng negosasyon. Aniya, bilang mapagkaibiang kapitbansa, nagsisikap ang Tsina para sa usaping ito.