Binuksan ngayong araw, Martes, ika-11 ng Setyembre 2018, sa Vladivostok, Rusya, ang Ika-4 na Eastern Economic Forum. Dumalo sa porum sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon, Punong Ministro Lee Nak-yon ng Timog Korea, at mga kinatawan mula sa mahigit 60 bansa.
Ang pagdaraos ng porum na ito ay sa ilalim ng pagtataguyod ng Pangulong Putin ng Rusya, at ito ay bahagi ng mga patakaran ng Rusya ng paggagalugad ng kooperasyon sa Far East, na tumutukoy sa silangang bahagi ng Asya.
Marami ang mga paborableng elemento sa rehiyong ito na dulot ng kooperasyon ng Tsina at Rusya, rehiyonal na kooperasyon ng Hilagang Silangang Asya, at mabilis na pag-unlad ng kabuhayan ng mga bansa ng Asya-Pasipiko. Nitong ilang taong nakalipas, lumalakas ang kooperasyong pangkabuhayan ng Rusya at mga bansa sa rehiyong ito, sa mga aspekto ng kalakalan at pamumuhunan, at unti-unting nabubuo ang mga balangkas ng bilateral at multilateral na kooperasyon.
Sa background ng di-magandang relasyon ng Rusya sa mga bansang kanluranin, ang kooperasyon sa Far East ay nagdudulot ng maraming bagong pagkakataon sa pag-unlad ng Rusya. Samantala, ang Rusya, bilang isang malaking bansa, ay nagdudulot naman ng maraming pagkakataon sa mga bansa sa rehiyong ito. Nananalig kaming sa hinaharap, lalakas pa ang kooperasyon ng Rusya at mga bansa sa Far East.
Salin: Liu Kai