Nanning, punong lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Tsina — Binuksan Miyerkules ng umaga, Setyembre 12, 2018, ang Ika-15 China-ASEAN Expo (CAExpo) at China-ASEAN Business and Investment Summit (CABIS). Dumalo at bumigkas ng talumpati sa seremonya ng pagbubukas si Pangalawang Premyer Han Zheng ng Tsina.
Sinabi ni Han na ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng reporma at pagbubukas ng Tsina sa labas. Aniya, nitong 40 taong nakalipas, bunga ng reporma at pagbubukas sa labas, lumitaw ang napakalaking pagbabago sa kalagayan ng bansa at pamumuhay ng mga mamamayan. Aniya, ang patakarang ito ng Tsina ay hindi lamang nakakapagpasulong ng pag-unlad ng bansa, kundi nakakapaghatid pa ito ng malaking benepisyo sa buong daigdig. Bukod dito, ang patakarang ito ng Tsina ay nakakapagbigay ng mas malaking pagkakataon sa iba't-ibang bansa sa daigdig na kinabibilangan ng mga bansang ASEAN. Nakahanda ang Tsina na bahaginan ng bunga ng pag-unlad ng kabuhayan nito ang mga bansang ASEAN, ani Han.
Dagdag pa ni Han, kasalukuyang magkakasamang pumasok ang Tsina at ASEAN sa bagong siglo ng komong kaunlaran at kasaganaan. Nakahanda aniya ang Tsina na magsikap kasama ng ASEAN para mapasulong ang estratehikong partnership sa mas mataas na lebel.
Salin: Li Feng