Bilang tugon sa pahayag ng ilang personahe ng Amerika na ang pagkakaroon ng deficit ng kalakalan ng Amerika sa Tsina ay dahil sa "hindi patas na kumpetisyon" ng Tsina, ipinahayag Setyembre 25, 2018, ni Fu Ziying, Pangalawang Ministrong Komersyal ng Tsina na ang pahayag na ito ay hindi tugma sa katotohanan.
Isinalaysay ni Fu, na ang pagkakaroon ng Amerika ng trade deficit sa Tsina ay pangunahin na, dahil magkaiba ang posisyon ng dalawang bansa sa pandaigdig na industrial chain at value chain, estrukturang pangkabuhayan, espesyalisasyon sa industriyang pandaigdig, paraan ng pagbilang ng bolyum ng kalakalan, at iba pa. Aniya, kung titingnan ang mga kategorya ng kalakal, nagkakaroon ang Amerika ng malaking trade surplus sa Tsina sa mga industriya nitong may bentahe na gaya ng sasakyan-de-motor, eroplano, produktong agrikultural, sektor ng serbisyo, at iba pa.
Tinukoy din ni Fu na ang komong interes ng Tsina at Amerika ay mas malaki kaysa hidwaan. Nakahanda ang Tsina na magsikap para mapasulong ang kalakalan ng dalawang panig patungong mas balanseng direksyon. Aniya umaasa ang Tsina na magpapakita rin ang Amerika ng positibong pakikitungo.
salin:Lele