|
||||||||
|
||
Sa pangkalahatang debatehan ng Ika-73 United Nations (UN) General Assembly sa Punong Himpilan ng UN sa New York, bumigkas kahapon, Biyernes, ika-28 ng Setyembre 2018, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ng talumpating may pamagat na "Paggigiit sa Multilateralismo, at Magkakasamang Paghahangad ng Kapayapaan at Kaunlaran."
Tinukoy ni Wang, na laging pinapangalagaan ng Tsina ang kaayusang pandaigdig, at itinataguyod ang multilateralismo. Aniya, bilang bahagi ng paninindigang ito, noong 2015, iniharap sa UN ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mungkahi hinggil sa magkakasamang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Ipinahayag niyang, bilang isang responsableng malaking bansa, tumatahak ang Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad, at nakahanda ito, kasama ng iba't ibang bansa, na magbigay-ambag sa kapayapaan at katiwasayan ng daigdig.
Binigyang-diin ni Wang, na dapat maayos na lutasin ang hidwaang pangkalakalan, sa pamamagitan ng pantay-pantay na diyalogo at pagsasanggunian at batay sa mga tuntunin at komong palagay. Ito aniya ay hindi lamang pagtatanggol sa mga lehitimong kapakanan ng Tsina, kundi rin pangangalaga sa malayang kalakalan, pandaigdig na kaayusan, pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, at komong interes ng iba't ibang bansa.
Inulit din ni Wang ang pagpapasulong ng Tsina ng reporma at pagbubukas sa labas, pagpapalakas ng pakikipagkooperasyon sa mga umuunlad na bansa, at pagkatig sa nukleong papel ng UN sa mga suliraning pandaigdig.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |