Ngayong araw, Lunes, ika-8 ng Oktubre 2018, ay ang araw ng ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Bilang paggunita sa okasyong ito, nagpadala ngayong araw ng mensaheng pambati sa isa't isa, sina Premyer Li Keqiang ng Tsina, at Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore, kasalukuyang tagapangulong bansa ng ASEAN.
Sinabi ni Li, na noong 2003, ang Tsina ay unang bansang naging estratehikong partner ng ASEAN. Aniya, nitong 15 taong nakalipas, malusog at matatag na umuunlad ang relasyon ng dalawang panig, at malakas ang kanilang pagtitiwalaang pulitikal, ugnayang pangkabuhayan at pangkalakalan, kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at pagpapalitan ng mga mamamayan. Binigyang-diin ni Li, na ang pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN ay nagdudulot ng aktuwal na benepisyo sa 2 bilyong mamamayan ng dalawang panig, at nagpapasulong sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyon at daigdig. Dagdag niya, ang relasyong Sino-ASEAN ay pumasok na sa hinog na panahon ng pagtaas ng kalidad at lebel, at ang ASEAN ay laging priyoridad ng diplomasya ng Tsina sa mga kapitbansa.
Ipinahayag naman ni Lee, na malakas, pragmatiko, at may mutuwal na kapakinabangan ang estratehikong partnership ng ASEAN at Tsina. Nakahanda aniya ang ASEAN, kasama ng Tsina, na palakasin ang konektibidad, at pasulungin ang pag-uugnayan ng Master Plan on ASEAN Connectivity 2025 at Belt and Road Initiatie ng Tsina. Umaasa rin aniya siyang pagtitibayin sa ika-21 summit ng dalawang panig ang 2030 Vision for ASEAN-China Strategic Partnership, para ituro ang estratehikong direksyon ng pag-unlad ng kanilang relasyon sa hinaharap.
Salin: Liu Kai