Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas ng unang China International Import Expo (CIIE) na idinaos ngayong araw, Lunes, ika-5 ng Nobyembre 2018, sa Shanghai, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa darating na 15 taon, tinatayang aangkatin ng kanyang bansa ang mga panindang nagkakahalaga ng 30 trilyong Dolyares at mga serbisyong nagkakahalaga ng 10 trilyong Dolyares.
Dagdag ni Xi, pasusulungin ng Tsina ang pagbubukas sa labas, sa limang aspekto na kinabibilangan ng pagpapalakas ng potensyal ng pag-aangkat, patuloy na pagpapaluwag ng market access, ibayo pang pagpapabuti ng kapaligirang pang-negosyo, paggagalugad ng mga bagong larangan ng pagbubukas, at pagpapalalim ng multilateral at bilateral na kooperasyon.
Ipinahayag din niya ang pag-asang, maisasakatuparan sa lalong madaling panahon ang Regional Comprehensive Economic Partnership, at pabibilisin ang mga talastasan hinggil sa Kasunduan sa Pamumuhunan ng Tsina at Europa, at malayang sonang pangkalakalan ng Tsina, Hapon, at Timog Korea.
Salin: Liu Kai