Binuksan ngayong umaga, Lunes, ika-5 ng Nobyembre 2018, sa Shanghai, ang kauna-unahang China International Import Expo (CIIE).
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang CIIE ay unang pambansang eksibisyon sa daigdig na ang tema ay pag-aangkat. Aniya, ang pagtataguyod ng ekspong ito ay hindi lamang mahalagang desisyon at patakaran ng Tsina sa pagpapasulong sa bagong round ng pagbubukas sa labas sa mataas na antas, kundi mahalagang hakbangin din ng kusang-loob na pagbubukas ng Tsina ng pamilihan sa daigdig. Nagpapakita ito ng palagiang paninindigan ng Tsina na kumakatig sa multilateral na sistemang pangkalakalan, at nagpapasulong sa pagpapaunlad ng malayang kalakalan. Ito ang aktuwal na aksyon ng bansa sa pagpapasulong sa pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig, at pagkatig sa globalisasyong pangkabuhayan, diin ni Xi.
Binigyang-diin din ni Xi, na ang pagbubukas at pagtutulungan ay mahalagang lakas para maging mas masigla ang pandaigdig na kabuhayan at kalakalan, mahalagang elemento para ibayo pang bumangon ang kabuhayang pandaigdig, at mahalagang pangangailangan para walang humpay na umunlad ang lipunan ng sangkatauhan. Nanawagan siya sa iba't ibang bansa na palakasin ang determinasyon sa pagpapasulong ng pagbubukas at pagtutulungan, para maisakatuparan ang komong pag-unlad.
Ipinatalastas din ni Xi, na pasusulungin ng Tsina ang pagbubukas sa labas, sa limang aspekto na kinabibilangan ng pagpapalakas ng potensyal ng pag-aangkat, patuloy na pagpapaluwag ng market access, ibayo pang pagpapabuti ng kapaligirang pang-negosyo, paggagalugad ng mga bagong larangan ng pagbubukas, at pagpapalalim ng multilateral at bilateral na kooperasyon. Dagdag niya, sa darating na 15 taon, tinatayang aangkatin ng Tsina ang mga panindang nagkakahalaga ng 30 trilyong Dolyares at mga serbisyong nagkakahalaga ng 10 trilyong Dolyares.
Pagdating naman sa kabuhayang Tsino, tinukoy ni Xi, na hindi nagbabago ang batayan ng malusog at matatag na pag-unlad ng kabuhayang Tsino, hindi nagbabago ang pangunahing "factors" ng produksyon na sumusuporta sa de-kalidad na pag-unlad, at hindi nagbabago ang pangkalahatang tunguhin ng pangmatagalang katatagan na tumutungo sa mas magandang direksyon. Ipinalalagay niyang tiyak na mabilis na papasok ang kabuhayang Tsino sa landas ng de-kalidad na pag-unlad.
Salin: Liu Kai