Sa seremonya ng pagbubukas ng kauna-unahang China International Import Expo (CIIE), na idinaos ngayong araw, Lunes, ika-5 ng Nobyembre 2018, sa Shanghai, bumigkas si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng talumpating pinamagatang "Magkakasamang Pagtatag ng Inobatibo, Inklusibo, at Bukas na Kabuhayang Pandaigdig."
Iniharap ni Xi ang tatlong paninindigan hinggil sa pagpapasulong ng iba't ibang bansa ng pagbubukas at pagtutulungan, at ipinatalastas niya ang limang hakbangin ng pagpapalawak ng Tsina ng pagbubukas sa labas. Ang mga ito ay ibayo pang magbibigay-lakas sa magkakasamang pangangalaga sa malayang kalakalan at multilateral na sistema ng kalakalan, pagpapasulong ng bukas na kabuhayang pandaigdig, at pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Batay sa kanyang pananaw sa kasaysayan ng pag-unlad ng Tsina at daigdig, inilahad din ni Xi ang palagay, na ang globalisasyong pangkabuhayan ay di mapipigilang tunguhin ng kasaysayan, at ang pagbubukas at pagtutulungan ay mahalagang lakas para maging mas masigla ang pandaigdig na kabuhayan at kalakalan.
Samantala, ang pagbubukas, inobasyon, at inklusibo ay tatlong keyword sa talumpati ni Xi. Ang mga ito ay kanyang paglagom sa karanasan ng 40-taong reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina, at pangunahing kondisyon para maisakatuparan ang de-kalidad na pag-unlad ng bansa sa hinaharap.
"New Era, Shared Future" ay tema ng unang CIIE. Ipinakikita rin nito ang kahandaan ng Tsina na makipagkooperasyon sa iba't ibang bansa ng daigdig, sa harap ng malaking epekto sa multilateralismo at sistema ng malayang kalakalan. Tulad ng sinabi ni Xi, sa pamamagitan ng 40-taong reporma at pagbubukas sa labas, hindi lamang isinakatuparan ng Tsina ang sariling pag-unlad, kundi nagdulot din ito ng benepisyo sa daigdig. Sa hinaharap, ang Tsina ay patuloy na magpapasulong ng magkakasamang pagbubukas ng buong daigdig, magbibigay ng lakas sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig, magkakaloob ng malaking pamilihan para palawakin ng iba't ibang bansa ang negosyo, at makikipag-ambag sa reporma sa pandaigdig na pangangasiwa.
Salin: Liu Kai