Sa sideline ng unang China International Import Expo (CIIE), idinaos ngayong araw, Lunes, ika-5 ng Nobyembre 2018, sa Shanghai, ang Hongqiao International Business Media and Think Tank Forum.
Dumalo at nagtalumpati sa seremonya ng pagbubukas si Huang Kunming, Puno ng Departamento ng Publisidad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.
Sinabi ni Huang, na sa taong ito na ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng Tsina ng reporma at pagbubukas sa labas, ang pagdaraos ng CIIE ay palatandaan ng pagpapatuloy ng bansa ng patakarang ito, at hakbangin ng pagpapasulong ng pagbubukas sa labas sa mataas na lebel.
Umaasa si Huang, na kakatigan ng mga media at think tank ng iba't ibang bansa ang globalisasyong pangkabuhayan, palalaganapin ang ideya ng mutuwal na kapakinabangan at win-win situation, pasusulungin ang pagtatatag ng tulay ng kooperasyon, at palalakasin ang pagpapalitan ng iba't ibang sibilisasyon. Ito aniya ay mahalaga para sa pagpapasulong ng bukas na kabuhayang pandaigdig at pagtatatag ng magandang daigdig na may kapayapaan, kaunlaran, at komong kasaganaan.
Salin: Liu Kai