Port Moresby, Papua New Guinea—Nagtagpo Sabado, Nobyembre 17, 2018 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Moon Jae-in ng Timog Korea.
Tinukoy ni Xi na nitong nakalipas na isang taon, matatag na bumuti at umunlad ang relasyong Sino-Timog Koreano. Dapat aniyang walang humpay na palalimin ang estratehiko't kooperastibong partnership ng dalawang bansa, at magkasamang gumawa ng positibong ambag para sa pagpapasulong sa pangmatagalang kapayapaan at kasaganaan ng rehiyon. Dapat aniyang igalang ang nukleong interes at mga mahalagang pagkabahala ng isa't isa, palakasin ang pag-uugnayan, itatag at patibayin ang pagtitiwalaan, at patuloy at maayos na hawakan ang mga sensitibong isyu. Dapat aniyang pasulungin ang magkasamang pagtatatag ng Belt and Road, pabilisin ang talastasan ng dalawang bansa sa Free Trade Agreement (FTA) sa ika-2 yugto, at pasulungin ang pagpapabuti at pag-a-upgrade ng bilateral na kooperasyong may mutuwal na kapakinbangan. Dapat palakasin ang koordinasyon at kooperasyon sa mga multilateral na balangkas na gaya ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), G20, Tsina, Hapon at Timog Korea, at iba pa, diin ni Xi.
Kaugnay ng isyu ng Korean Peninsula, tinukoy ni Xi na dapat palakasin ng panig Tsino't Timog Koreano ang pag-uugnayan, at koordinadong pasulungin ang proseso ng denuklearisasyon ng peninsula at pagtatatag ng mekanismong pangkapayapaan ng peninsula.
Ipinahayag naman ni Moon na sa kasalukuyan, may tunguhin ng mabilis na pagpapanumbalik ang relasyon nila ng Tsina, at malinaw na humihigpit ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba't ibang larangan. Nakahanda aniya ang panig Timog Koreano na palalimin ang kooperasyon sa Tsina, para makapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Salin: Vera