Nag-usap kahapon, Lunes, ika-3 ng Disyembre 2018, sa Panama City, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Juan Carlos Varela ng Panama.
Binigyan ng dalawang lider ng mataas na pagtasa ang mainam na tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng Tsina at Panama at mga bunga sa bilateral na kooperasyon, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa noong Hunyo 2017. Sinang-ayunan nilang ibayo pang pasulungin ang relasyon.
Tinukoy ni Pangulong Xi, na ang pagpapatatag at pagpapaunlad ng relasyong pangkaibigan ng Tsina at Panama ay konsistenteng patakarang diplomatiko ng panig Tsino. Ipinahayag din niya ang pagkatig sa pagsisikap ng pamahalaan ng Panama para sa pangangalaga sa katiwasayan at katatagan ng bansa, pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at pagpapalakas ng impluwensiya sa daigdig; at pagpapatingkad ng bansang ito ng mas malaking papel sa rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan at interkonektibidad.
Sinabi naman ni Pangulong Valera, na ang pagdalaw na ito ni Pangulong Xi ay ibayo pang magpapalalim ng pagkakaibigan ng dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan. Ipinahayag din niya ang pasasalamat sa Tsina sa pagbibigay-tulong sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Panama, at ang pagkatig sa pandaigdig na kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative.
Salin: Liu Kai