Lisbon—Miyerkules, Disyembre 5, local time, nakipagtagpo si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Eduardo Ferro Rodrigues, Presidente ng Parliamento ng Portugal.
Tinukoy ni Xi na nitong nakalipas na ilang taon, mahigpit na pagpapalitan ang isinagawa ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina at parliamento ng Portugal, at natamo ang positibong bunga. Kinakatigan aniya ng panig Tsino ang pag-aaral at paggamit ng karanasan ng isa't isa sa mahahalagang paksang gaya ng pagsusuperbisa sa lehislasyon, pamamahala, pambansang plano, pamumuhay ng mga mamamayan at iba pa. Dapat aniyang pasiglahin ng mga organong lehislatibo ng dalawang bansa ang nakatagong lakas ng kanilang kooperasyon, walang humpay na pabutihin ang kapaligirang pambatas at pampatakaran, at igarantiya ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga bahay-kalakal at tauhan na namumuhunan sa isa't isa.
Sinabi naman ni Rodrigues na ang Tsina ay pangunahing trade partner ng Portugal, at kapuwa naninindigan ang dalawang bansa sa multilateralismo. Kinakatigan aniya ng panig Portuguese ang Belt and Road Initiative, at nais nitong maging hub ng nasabing inisiyatiba sa Europa. Dagdag pa niya, nagpupunyagi ang kanyang parliamento sa pagpapalalim ng relasyong Sino-Portuguese, at nakahandang patuloy na palakasin ang mabungang pakikipagdiyalogo at pakikipagpalitan sa NPC.
Salin: Vera