Kaugnay ng bagong kaukulang regulasyon ng pamahalaang Hapones sa government purchasing na inilabas Lunes, Disyembre 10, 2018, sinabi ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina na mahigpit na susubaybayan ng panig Tsino ang kalagayan ng pagpapatupad ng kaukulang regulasyon ng panig Hapones, at hinding hindi matatanggap ang anumang may pagtatanging pakikitungo sa mga normal na aktibidad ng pamamalakad ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Hapon.
Ani Lu, napansin ng panig Tsino ang pagpapalabas ng pamahalaang Hapones ng naturang kaukulang regulasyon, at nakipag-ugnayan sa panig Hapones, sa pamamagitan ng diplomatikong tsanel nauna rito. Nang sagutin ang tanong ng mamamahayag, ipinahayag ni Yoshihide Suga, Chief Cabinet Secretary ng Hapon, na ang pagpapalabas ng kanyang pamahalaan ng kaukulang regulasyon ay hindi naglalayong isa-isang-tabi ang takdang bahay-kalakal at pasilidad.
Dagdag pa ni Lu, ang esensya ng pamumuhunan at kooperasyon ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Hapon ay mutuwal na kapakinabangan at win-win situation. Palagiang hinihimok aniya ng Tsina ang mga bahay-kalakal na Tsino na isagawa ang pamumuhunan at kooperasyon sa Hapon, ayon sa simulaing komersyal, regulasyong pandaigdig, at pagsunod sa mga batas sa lokalidad. Samantala, palagiang humihiling ang panig Tsino sa panig Hapones na magkaloob ng makatarungan, maliwanag, at walang pagtatanging kapaligiran para sa pamamalakad at pag-unlad ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Hapon.
Salin: Vera