Sa sidelines ng Ika-4 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Lancang-Mekong Cooperation (LMC), nagtagpo kahapon, Linggo, ika-16 ng Disyembre 2018, sa Luang Prabang, Laos, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Kyaw Tint, Union Minister for International Cooperation ng Myanmar.
Ipinahayag ni Wang ang kahandaan ng Tsina, kasama ng Myanmar, na palakasin ang matibay na partnership, pahigpitin ang pagpapalagayan sa mataas na antas, pasulungin ang kooperasyon sa ilalim ng Belt and Road Initiative, at payamanin ang nilalaman ng komprehensibo at estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Kyaw Tint ang kasiyahan ng Myanmar sa pag-unlad ng relasyon at kooperasyon sa Tsina. Pinasasalamatan din aniya ng pamahalaan ng Myanmar ang Tsina sa pagkatig nito sa pagsisikap ng Myanmar para sa paglutas sa isyung pangkapayapaan ng bansa.
Salin: Liu Kai