Isinalaysay Huwebes, Enero 17, 2019 sa Beijing ni Gao Feng, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na sa paanyaya nina Kalihim Steven Mnuchin ng Tesorarya at Trade Representative Robert Lighthizer ng Estados Unidos, mula ika-30 hanggang ika-31 ng Enero, dadalaw sa Amerika si Pangalawang Premyer Liu He ng Tsina, para isagawa ang pagsasanggunian tungkol sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika.
Matatandaang mula ika-7 hanggang ika-9 ng Enero, idinaos sa Beijing ang pagsasanggunian ng Tsina at Amerika sa antas ng pangalawang ministro hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan. Aktibong ipinatupad ng kapuwa panig ang mga narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, at isinagawa ang malawakan, malalim at detalyadong pagpapalitan hinggil sa mga isyung pangkalakalan at isyung pang-estruktura na kapuwa nila pinahahalagahan: bagay na nakapaglatag ng pundasyon para sa pagresolba ng mga kaukulang isyu. Sinang-ayunan ng kapuwa panig ang patuloy na pagpapanatili ng mahigpit na pag-uugnayan.
Salin: Vera