Roma, Italya — Nag-usap nitong Sabado, Marso 23, 2019, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Giuseppe Conte ng Italya.
Sa pag-uusap, tinukoy ni Xi na nitong ilang taong nakalipas, walang humpay na lumalalim ang pagpapalitan at pagtutulungang Sino-Italyano sa iba't-ibang larangan, bagay na nakakapaghatid ng puwersang tagapagpasulong sa pag-unlad ng kanilang sariling kabuhayan at lipunan. Aniya, ang kasalukuyang taon ay ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo't estratehikong partnership, at ang susunod na taon naman ay ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Italya. Dapat aniyang samantalahin ng dalawang panig ang pagkakataong ito upang magkasamang mapasulong ang relasyong Sino-Italyano sa bagong siglo at makapaghatid ng mas maraming benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Ipinahayag naman ni Conte na may mahalagang katuturang historikal ang pagdalaw ni Xi sa Italya. Lubos aniyang pinahahalagahan ng Italya ang relasyon sa Tsina. Nakahanda ang Italya na palalimin ang komprehensibo't estratehikong partnership sa Tsina, at pasulungin ang pakikipagkooperasyon sa Tsina sa mga larangang tulad ng kabuhayan at kalakalan, pamumuhunan, enerhiya, agrikultura, kultura, turismo, at abiyasyon, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng