Kinatagpo kahapon, Huwebes, ika-4 ng Abril 2019, sa White House, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika, si Liu He, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika.
Iniabot ni Liu kay Trump ang mensahe ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Sa mensahe, tinukoy ni Xi, na nitong mahigit isang buwang nakalipas, sa pamamagitan ng madalas na mga pagsasanggunian, natamo ng dalawang panig ang bagong breakthrough sa mga masusing isyu sa binabalangkas na kasunduang pangkabuhayan at pangkalakalan. Umaasa aniya siyang, tatapusin ng dalawang panig, sa lalong madaling panahon, ang talastasan hinggil sa kasunduang ito. Dagdag ni Xi, ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay may kinalaman sa interes ng mga mamamayan hindi lamang ng dalawang bansa, kundi rin ng iba't ibang bansa ng daigdig. Nakahanda aniya siyang panatilihin, kasama ni Trump, ang mahigpit na pag-uugnayan, para matamo ang mas malaking progreso sa relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi rin ni Liu, na mabisa ang pagsasanggunian ng dalawang panig nitong dalawang araw na nakalipas, at narating ang mga bagong komong palagay sa mga mahalagang isyung gaya ng teksto ng kasunduang pangkabuhayan at pangkalakalan. Patuloy aniyang magsisikap ang kapwa panig, para matamo ang mas maraming progreso, at tapusin sa lalong madaling panahon ang talastasan hinggil sa kasunduang ito.
Positibo naman si Trump sa mensahe ni Xi. Sinabi niyang, mainam at malakas ang relasyong Amerikano-Sino. Ikinagagalak aniya ni Trump ang pagtamo ng malaking progreso ng pagsasanggunian ng dalawang panig, at umaasa siyang pag-iibayuhin ang paglutas sa mga nalalabing isyu, para marating sa lalong madaling panahon ang isang komprehensibo at makasaysayang kasunduan. Umaasa rin aniya siyang makikipagtagpo kay Xi, pagkaraang marating ang kasunduang ito. Ipinahayag din ni Trump ang pasasalamat kay Xi para sa pagpapahigpit ng Tsina ng pagkontrol sa fentanyl at mga may kinalamang substansiya. Aniya, mahalaga ito para sa mga mamamayang Amerikano at kooperasyon ng Amerika at Tsina sa paglaban sa ilegal na droga.
Salin: Liu Kai