Noong unang araw ng buwang ito, inilakip sa Bloomberg Barclays Global Aggregate Index ang mga government bond at policy bank securities ng Tsina na nabibilang sa pamamagitan ng RMB, salaping Tsino. Sinabi ni Alfred Schipke, Punong Kinatawan ng International Monetary Fund sa Tsina, na ito ay mahalagang muhon ng paglahok ng Tsina sa pandaigdig na sistemang pinansyal. Sinabi naman ng ulat ng Consumer News and Business Channel, na ito ay isa pang mahalagang pangyayari ng pagbubukas ng pamilihang pinansyal ng Tsina.
Ang Bloomberg Barclays Global Aggregate Index ay isa sa tatlong pinakapangunahing bond market index ng buong daigdig. Napag-alamang ang mga pandaigdig na mamumuhunang sumusunod ng indeks na ito ay namamahala sa mga ari-ariang nagkakahalaga ng 5 trilyong Dolyares. Sa pamamagitan ng paglakip sa indeks na ito, ang mga bond ng Tsina ay bibigyang-pansin ng mas maraming mamumuhunan, at may posibilidad na pumasok sa bond market ng Tsina ang mas maraming pondo. Ipinalalagay din ng mga tagapag-analisa, na ang paglakip ng mga bond ng Tsina sa Bloomberg Barclays Global Aggregate Index ay nangangahulugan ng boto ng kompiyansa ng pandaigdig na kapital sa pagbubukas ng pinansyo ng Tsina.
Sa katotohanan, nitong ilang taong nakalipas, sumusulong ang pagiging internasyonal ng RMB, nananatiling kompetetibo sa buong daigdig ang saklaw at pakinabang ng bond market ng Tsina, at higit sa lahat, walang humpay na isinasagawa ng Tsina ang mga bagong patakaran para sa pagbubukas ng pinansyo. Kaya, hindi naman bibiguin ng Tsina ang tiwala ng pandaigdig na kapital.
Habang pumapasok sa Tsina ang mas maraming pondo, palalakasin pa ng pamahalaang Tsino ang reporma at pagbubukas sa labas. Ang pagbubukas ng bond market ng Tsina sa susunod na hakbang ay tiyak na magbibigay ng bagong sigla hindi lamang sa assets diversification ng daigdig, kundi rin sa malusog at maayos na pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai