Nakipagpalitan kamakailan ng liham si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa mahigit 40 estudyante ng Niles North High School sa Illinois State, Amerika.
Sa kanilang liham sa wikang Tsino, tinanong ng mga estudyanteng Amerikano si Xi hinggil sa kanyang gawain, buhay, at mga libangan. Ikinuwento rin ng mga estudyante ang hinggil sa kanilang pag-aaral sa wikang Tsino, at ipinahayag ang pag-asang makakabisita sa Tsina.
Sa liham naman bilang sagot, ipinahayag ni Xi ang pasasalamat sa mga estudyanteng Amerikano at ang paghanga sa kanilang pag-ibig sa wika at kulturang Tsino. Ini-enkorahe niya ang mga estudyante na magtamo ng mas malaking progreso sa pag-aaral ng wikang Tsino at magbigay ng mas malaking ambag sa pagpapalalim ng pagkakaibigan ng mga mamamayan ng Tsina at Amerika. Sinagot din ni Xi ang mga tanong ng mga estudyante at isinalaysay ang hinggil sa kanyang gawain, buhay, at mga libangan.
Ang batayan ng relasyon ng dalawang bansa ay pagkakaibigan ng kani-kanilang mga mamamayan. Ang naturang liham ni Pangulong Xi ay naglalayon ding pasulungin ang pagpapalitan ng mga mamamayan ng Tsina at Amerika. Binigyang-diin minsan niyang, ang pagpapalitan ng mga mamamayan, lalung-lalo na ng mga kabataan, ay batayan ng relasyong Sino-Amerikano. Sa kanyang pagdalaw sa Amerika, bumisita minsan si Xi sa isang lokal na high school. Sa liham na ito, sinabi rin ni Xi, na nakikita niya sa mga kabataan ang pagkakaibigan ng Tsina at Amerika sa hinaharap. Ang ganitong mga pangyayari ay nagiging pampasigla sa pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano sa hinaharap.
Salin: Liu Kai