|
||||||||
|
||
Beijing -- Sa eksklusibong panayam sa Serbisyo Filipino, Biyernes, Mayo 17, 2019, sinabi ni Kalihim Martin M. Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na may heograpikal na bentahe ang media ng Pilipinas pagdating sa pagpo-promote ng pagkakaisa at pagkakaunawaan ng Asya, dahil matatagpuan ang bansa sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN); Hong Kong, Tsina; at Chinese mainland.
Dahil ang Pilipinas ay mayroong malayang sistema ng pamamahayag at maituturing na hub ng pamamahayag ng Timog-silangang Asya, malaki ang potensyal ng media ng Pilipinas sa pagsusulong ng pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto sa pagitan ng mga sibilisasyong Asyano, at pagpapasulong ng "Komunidad na may Pinagbabahaginang Kapalaran," dagdag ni Andanar.
Aniya, ang pagdaraos ng Tsina ng Conference on Dialogue of Asian Civilizations (CDAC) ay isang napakagandang plataporma upang mapaunlad at mapalalim ang pagkaunawa ng mga Asyano sa kultura't sibilisasyon ng bawat isa.
"Tulad ng sabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kailangang samantalahin natin ang pagkakataon," ani Andanar.
Si Kalihim Martin M. Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO)
Para masamantala ang pagkakaton, kailangan aniyang kilalanin ng Asya ang sarili nitong kultura't sibilisasyon upang makapagsimula itong umunlad tungo sa pandaigdigang entablado.
Aniya mayroong napakahabang relasyon ang Pilipinas at Tsina, at ang pagpapalitang ito ay kapuwa nananalaytay sa ugat ng mga Pilipino at Tsino, at pinagbabahaginan ng dalawang bansa.
Kailangan aniyang pagyamanin pa at huwag kalimutan ang mga bagay na matalik na nag-uugnay sa bawat Asyano upang patuloy na sumulong ang bawat isa, tungo sa maliwanag na bukas.
"Para sumulong tungo sa pag-unlad, hindi natin puwedeng kalimutan kung sino tayo," diin ng kalihim.
Pagmamalaki ni Andanar, isa pang mahalagang kontribusyon ng Pilipinas sa pagpapalakas ng pagpapalitan at mutuwal na pagkatuto, at pagtatayo ng "Komunidad na may Pinagbabahaginang Kapalaran," ang mga Overseas Filipino Workers (OFW), dahil sila ang nagiging behikulo upang maipakalat sa buong mundo ang kultura at sibilisasyon ng Pilipinas.
Bukod dito, natututunan din aniya ng mga OFW ang kultura ng ibat-ibang bansa, kaya sila rin ay importanteng plataporma upang maipakilala sa mga Pilipino ang kultura ng iba pang bansa ng Asya, saad ni Andanar.
Ang CDAC ay idinaraos sa mungkahi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Mayroon itong mahigit 110 aktibidad, kabilang dito ay anim na sub-forum, Asian Cultural Carnival, Asian Civilizations Week, at iba pa.
Sa ilalim ng temang "Exchanges and Mutual Learning among Asian Civilizations and a Community With a Shared Future," ang CDAC ay nagsisilbing bagong plataporma ng pagpapalitan at pagtutulungan upang magkaroon ng diyalogo ang iba't ibang sibilisasyon para magkakasamang harapin ang mga komong hamon ng sangkatauhan.
Ulat: Rhio
Photographer: Li Feng
Web Editor: Jade/Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |