Ipinahayag kamakailan ni Craig Allen, Presidente ng US-China Business Council, ang pag-asang magkakaroon ang Tsina at Amerika ng kasunduang pangkalakalan sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng bukas, maliwanag, at pantay na talastasan para makalikha ng matatag na kapaligiran sa pagpapalagayang pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Nagbabala rin siya na ang patuloy na pagdaragdag ng taripa ay makakasira sa pagsisikap ng talastasang pangkalakalan.
Sa isang panayam ipinagdiinan ni Allen na hindi dapat gamitin ng panig Amerikano ang tariff policy bilang kalutasan sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan sa Tsina. Aniya, napakamapanganib ng paglutas ng pamahalaang Amerikano sa nasabing isyu sa pamamagitan ng taripa. Sa ngayon, dapat aniyang ituloy ang talastasan sa mainam na atityud.
Dagdag pa niya, layon ng talastasan na lutasin ang problema sa halip na likhain ang problema. Ang pagkakaroon ng kasunduang pangkalakalan ng Tsina at Amerika sa pinakamadaling panahon ay angkop sa komong kapakanan ng dalawang bansa, aniya.
Salin: Li Feng