Magkakasunod na inilalabas ng Tsina ang mga pangkalahatang plano at patakaran para sa pagbubukas sa labas ng sektor ng pinansyo. Sa isang preskon kaugnay nito na idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-14 ng Hunyo 2019, sa Beijing, sinabi ni Zhu Hexin, Pangalawang Gobernador ng People's Bank of China, bangko sentral ng bansa, na bilang mahalagang bahagi ng pagbubukas sa labas ng sektor ng pinansyo, maayos at matatag na pasusulungin ng bangko sentral ang pagbubukas sa labas ng mga pamilihan ng business credit inquiry at credit rating.
Ayon kay Zhu, ang pagpasok ng mga dayuhang business credit inquiry agency at credit rating agency ay magkakaloob ng mas maraming serbisyo sa pamilihang Tsino at makakabuti sa pag-unlad ng bukas na kabuhayan ng Tsina.
Isiniwalat din ni Zhu, na pagkaraang ilabas ng bangko sentral ang mga may kinalamang patakaran, iniharap na ng maraming malaking business credit inquiry agency at credit rating agency ng daigdig ang aplikasyon para sa pagtatatag ng ahensiyang may lubos na pagmamay-ari sa Tsina. Kabilang dito aniya, inaprobahan noong Enero ng taong ito ang aplikasyon ng Standard & Poor's ng Amerika.
Salin: Liu Kai