Sa inspirasyon ng Ant Forest ng Alipay ng Tsina, inilunsad Martes, Hunyo 25, 2019 ng GCash ng Pilipinas ang GCash Forest. Sa ilalim ng suportang teknikal ng Alipay, at sa pagtalima sa low-carbon life style, maaari nang makakolekta ng mga puntos sa berdeng enerhiya ang mahigit 15 milyong GCash user.
Kapag narating ang takdang dami ng puntos, pwede itong gamitin ng user bilang kapalit ng birtuwal na puno, at kapag narating ang takdang dami ng birtuwal na puno, itatanim ng GCash at mga partner na kompanya nito ang mga tunay na puno sa mga lugar na nangangailangan nito.
Ang Ant Forest ay isang serbisyo para sa kalinangang pampubliko na inilunsad ng Alipay noong Agosto ng 2016. Sa pamamagitan ng low-carbon life style na gaya ng berdeng paraan ng pamamasyal, e-payment, at pagtanggi sa paggamit ng plastic bag, ang mga user ay nangongolekta ng birtuwal na berdeng enerhiya, at nagtatanim ng mga birtuwal na puno sa kani-kanilang smartphone. Pagkaraang tumubo ang mga ito, itinatanim ng Ant Forest, kasama ng mga partner nito, ang mga tunay na puno, o pinapangalagaan ang katugong saklaw ng kagubatan. Layon nitong pasiglahin ang aksyon ng mga mamamayan sa low-carbon life at pangangalaga sa kapaligiran.
Ayon sa estadistika ng Forest Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nababawasan ng 47,000 ektarya bawat taon ang saklaw ng kagubatan ng Pilipinas. Target ng GCash, kasama ng nabanggit na kawanihan at World Wide Fund for Nature (WWF), na magtanim ng 365,000 puno sa darating na 365 araw.
Salin: Vera