Sa Ika-4 na China-ASEAN Ethnic Culture Forum na ipininid kahapon, Huwebes, ika-18 ng Hulyo 2019, sa Guilin, lunsod sa timog kanlurang Tsina, inilabas ng mahigit 150 ekspertong Tsino at dayuhan ang deklarasyon kung saan nanawagan sila para pasulungin ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagpapalitan at pag-aaral sa isa't isa sa aspekto ng etnikong kultura.
Sinabi ng mga eksperto, na ang Tsina at mga bansang ASEAN ay pawang mga bansang may maraming etnikong grupo, at may mayaman at makulay na etnikong kultura. Ipinalalagay nilang, ang pagpapasulong ng mga bansang ito ng pagpapalitan at pag-aaral sa isa't isa sa naturang aspekto ay makakatulong sa pag-unlad ng kani-kanilang etnikong kultura. Ito rin anila ay makakabuti sa pagpapalalim ng pagtitiwalaan at pagsasakatuparan ng komong pag-unlad ng iba't ibang bansa.
Iminungkahi rin ng mga eksperto, na magtulungan ang iba't ibang bansa, para patingkarin ang papel ng etnikong kultura sa pagpapaunlad ng turismo, at pagtataguyod sa koordinadong pag-unlad ng kabuhayan, lipunan, at sibilisasyong ekolohikal.
Salin: Liu Kai