Sa news briefing na idinaos kahapon, Miyerkules, ika-14 ng Agosto 2019, sa Beijing, isinalaysay ni Li Jinbin, Party Secretary ng lalawigang Anhui sa dakong gitna ng Tsina, ang kalagayan ng pag-unlad ng kabuhayan ng lalawigang ito. Ani Li, aktibong pinasusulong ng Anhui ang kapwa modernong agrikultura at pag-a-upgrade ng manupaktura, at natamo ang maraming positibong bunga.
Sinabi ni Li, na sa pamamagitan ng modernisasyong agrikultural, nagkaroon ang Anhui ng masaganang ani nitong nakalipas na 15 taong singkad, at noong 2018, lumampas sa 40 bilyong kilogram ang output ng mga pagkaing-butil. Samantala aniya, nitong 3 taong nakalipas, umabot sa 7.8% ang taunang paglaki ng halaga ng produksyon mula sa industriya ng pagpoproseso ng mga produktong agrikultural.
Sa aspekto naman ng pag-a-upgrade ng manupaktura, isinalaysay ni Li, na noong unang hati ng taong ito, ang output ng bagong sibol na industriya ay katumbas ng mahigit 35% ng kabuuang halaga ng produksyong industriyal, at ang proporsiyon naman ng industriya ng hay-tek ay mahigit sa 40%. Natamo rin ng mga kompanya ng hay-tek sa Anhui ang bunga sa inobasyon sa mga aspekto ng smart home appliance, electronic information, new energy vehicle, industrial robot, at iba pa, dagdag ni Li.
Salin: Liu Kai