Ipinahayag kamakalawa, Martes, ika-13 ng Agosto 2019, ng panig Tsino ang kawalang-kasiyahan at pagtutol sa mga maling pahayag tungkol sa isyu ng Hong Kong na inilabas ng tagapagsalita ng Office of United Nations High Commissioner for Human Rights at European External Action Service.
Sinabi ng mga tagapagsalita ng Komisyon ng Tsina sa UN sa Geneva at Komisyon ng Tsina sa Unyong Europeo, na ang mga pananalita ng naturang dalawang organo ay taliwas sa katotohanan, at nagsisilbing maling signal sa mga marahas at kriminal na maysala. Nakikialam din sila sa suliranin ng Hong Kong at suliraning panloob ng Tsina, dagdag ng mga tagapagsalita.
Tinukoy din ng mga tagapagsalita, na sa kasalukuyan, ang mga demonstrasyon sa Hong Kong ay naging ekstrimistiko at marahas na aktibidad, at sinadyang ginagawa ng mga radikal ang karahasan. Ang mga ito anila ay pagyurak sa "rule of law" at kaayusang panlipunan ng Hong Kong, banta sa kaligtasan ng buhay at ari-arian ng mga residente sa Hong Kong, pagsabotahe sa kasaganaan at katatagan ng Hong Kong, at hamon sa prinsipyong "Isang Bansa, Dalawang Sistema." Anila, ang ganitong mga ilegal na aksyon ay hindi kinukunsinti ng anumang responsableng pamahalaan, at dapat sugpuin alinsunod sa batas.
Dagdag nila, nitong nakalipas na ilang panahon, ang pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong at panig pulisya ng Hong Kong ay tumutupad ng kani-kanilang mga tungkulin alinsunod sa batas. Propesyonal at matimpi ang kanilang mga aksyon, diin ng mga tagapagsalita.
Salin: Liu Kai