Ipinatalastas kahapon, Biyernes, ika-16 ng Agosto 2019, ng Cathay Pacific, airline na nakabase sa Hong Kong, ang pagbibitiw ng Chief Executive Officer nito na si Rupert Hogg, at Chief Customer and Commercial Officer na si Paul Loo.
Ayon sa Cathay Pacific, sila ay nananagot sa mga pangyayari kamakailan na nakaapekto sa kaligtasan at katiwasayan ng paglipad ng airline na ito.
Nang araw ring iyon, sinabi naman ni John Slosar, Chairman ng Cathay Pacific, na buong lakas na kinakatigan ng kanyang kompanya ang pagsasagawa ng Hong Kong ng prinsipyong "Isang Bansa, Dalawang Sistema" alinsunod sa Saligang Batas. Lipos din sila ng pananalig sa magandang kinabukasan ng Hong Kong, dagdag niya.
Nitong nakalipas na ilang panahon, itiniwalag ng Cathay Pacific ang dalawang piloto. Isa ang dinakip ng kapulisan ng Hong Kong dahil sa paglahok sa ilegal na demonstrasyon. Inilabas ng isa pa sa social network ang impormasyong internal ng paglipad, bilang pagbibigay-alam sa mga protestador hinggil sa kalagayan ng takbo ng paliparan. Pinaghihinalaan namang sinadyang ibunyag ng isang empleyado ang impormasyong personal at impormasyon ng paglipad ng mga pulis na taga-Hong Kong na sumakay ng flight ng Cathay Pacific.
Salin: Liu Kai