Tinukoy Sabado, Agosto 17, 2019 ng tagapagsalita ng Misyong Diplomatiko ng Tsina sa Unyong Europeo (EU) na ang mga suliranin ng Hong Kong ay isyung panloob ng Tsina, at walang karapatan na makialam dito ang anumang pamahalaan at organisasyong dayuhan. Sinabi ng nasabing tagapagsalita na sa kabila ng pagtutol ng panig Tsino, ilang beses na nakialam ang panig Europeo sa mga suliranin ng Taiwan at mga isyung panloob ng Tsina, at nagpahayag ang panig Tsino ng matinding kawalang kasiyahan at buong tatag na pagtutol dito.
Nang araw ring iyon, inilabas ng High Representative for Foreign Affairs and Security Policy ng EU ang pahayag na nanawagan sa kaukulang panig na magtimpi, tumanggi sa karahasan, at magsagawa ng pangkagipitang hakbangin para mapahupa ang kalagayan. Anang pahayag, dapat patuloy na igarantiya ang pundamental na kalayaan sa mapayapang pagtitipun-tipon na ibinigay ng Saligang Batas ng Hong Kong at mga kasunduang pandaigdig, at awtonomiya sa mataas na antas ng Hong Kong sa ilalim ng balangkas ng "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Kaugnay nito, sinabi ng naturang tagapagsalita na nitong nakalipas na ilang araw, naganap ang ekstrimistikong karahasan sa mga aktibidad ng demonstrasyon sa Hong Kong. Ang mga marahas na aksyon ay grabeng nakasira sa kaayusang panlipunan ng Hong Kong, at nakapinsala rin sa buhay, ari-arian, at normal na pamumuhay ng mga taga-Hong Kong. Dapat batikosin at parusahan ang ganitong aksyong humahamon sa baseline ng "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Muling hinimok ng naturang tagapagsalita ang panig Europeo na sundin ang pundamental na alituntunin ng pandaigdigang batas at relasyong pandiagdig, totohanang igalang ang soberanya ng Tsina, at agarang itigil ang pakikialam sa mga suliranin ng Hong Kong at mga isyung panloob ng Tsina.
Salin: Vera