Idinaos kahapon, Lunes, ika-9 ng Setyembre 2019, sa Bangkok, Thailand, ang Ika-18 Pulong ng mga Ministro ng Kabuhayan at Kalakalan ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Inilabas sa pulong ang magkakasanib na pahayag, kung saan inulit ng 10 bansang ASEAN at Tsina ang pangako sa pagpapalakas ng kanilang ugnayang pangkalakalan at pangkabuhayan, at binigyan nila ng positibong pagtasa ang tuluy-tuloy na paglaki ng kalakalan ng paninda ng dalawang panig.
Hinahangaan naman ng mga bansang ASEAN ang pagkatig ng Tsina sa Master Plan on Connectivity at proseso ng integrasyon ng ASEAN, at ini-enkorahe nila ang koordinasyon ng naturang master plan at Belt and Road Initiative ng Tsina.
Ipinalalagay din ng mga bansang ASEAN na ang Ika-2 China International Import Expo na idaraos sa Shanghai sa darating na Nobyembre ay mahalagang pagkakataon para itanghal ng mga bansang ASEAN ang kani-kanilang mga paninda.
Salin: Liu Kai