Sinabi ngayong araw, Huwebes, ika-26 ng Setyembre 2019, ni Gao Feng, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na pagkaraan ng pagsasanggunian sa antas ng pangalawang ministro ng Tsina at Amerika hinggil sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan noong isang linggo sa Washington, pinananatili ng dalawang panig ang pag-uugnayan bilang paghahanda para sa ika-13 round ng high-level trade talks ng Tsina at Amerika na gaganapin sa darating na Oktubre sa Washington.
Ipinahayag din ni Gao, na konsistente at malinaw ang paninindigan ng Tsina sa naturang mga pagsasanggunian. Umaasa aniya ang Tsina, na positibong pakikitunguhan nila ng Amerika ang pagsisikap ng isa't isa, at batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggagalangan, at sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, makikita ang solusyon sa mga isyung pangkabuhayan at pangkalakalan na may mutuwal na kapakinabangan at win-win result.
Salin: Liu Kai