Ayon sa datos na ipinalabas ngayong araw, Biyernes, ika-18 ng Oktubre 2019, ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong unang tatlong kuwarter ng 2019 ay lumaki ng 6.2% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2018. Kung ihahambing sa ibang mga pangunahing kabuhayan ng daigdig na may isang trilyong dolyares pataas na GDP, nananatiling pinakamabilis ang paglaki ng ekonomiya ng Tsina. Ipinakikita nito ang malakas na resilience ng kabuhayang Tsino at kakayahan nito laban sa mga panganib.
May mga positibong elemento sa kabuhayang Tsino noong unang tatlong kuwarter ng taong ito. Halimbawa, bumubuti ang estrukturang pangkabuhayan, lumalakas ang papel na tagapagpasulong ng ikatlong industriya sa kabuhayan, lumilitaw ang mga bagong industriya at negosyo, 60.5% ang contribution rate ng konsumo sa paglaki ng kabuhayan, at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay pawang lakas na panloob na makakatulong sa pag-unlad ng kabuhayang Tsino.
Mayroon ding ilang mahalagang dahilan kung bakit hindi malaki ang epekto sa kabuhayang Tsino na dulot ng presyur ng pagbaba. Una, isinasagawa ng pamahalaang Tsino ang proaktibong patakarang pinansyal, at matatag na patakarang pansalapi, at inilabas ang mga hakbangin ng pagbabawas ng buwis at pagpapababa ng halaga sa pangungutang ng mga bahay-kalakal. Ikalawa, pinalalawak ng Tsina ang pagbubukas sa labas, para pasulungin ang transpormasyon at pag-a-upgrade ng kabuhayan. Ikatlo, pinalalakas naman ng mga bahay-kalakal na Tsino ang inobasyon, at makakabuti ito sa kanilang pag-unlad.
Sa pamamagitan ng pagpapanatili ng makatwirang paglaki at pagpapabuti ng estruktura, ang kabuhayang Tsino ay patuloy na nagiging pangunahing lakas na tagapagpasulong sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai