Inilabas kamakailan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina ang pinakahuling ulat sa pagbubukas at pag-unlad ng bansa, na nagsasabing nasa ikalawang puwesto ng daigdig ang kapwa bolyum ng hinikayat na pondong dayuhan at direktang pamumuhunang panlabas ng Tsina. Samantala, ayon naman sa ulat ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD), noong unang hati ng taong ito, ang Tsina ay nananatiling bansang may ikalawang pinakamalaking bolyum ng pumasok na pondong dayuhan sa daigdig.
Ang dalawang ulat na ito ay patnubay ng paggigiit ng Tsina sa pagbubukas sa labas. Sa isang banda, dahil sa mga hakbangin ng pagbubukas sa labas na gaya ng pagpapasulong ng kalakalang panlabas at paghihikayat ng pondong dayuhan, isinakatuparan ng Tsina ang mabilis na pag-unlad ng kabuhayan. Sa kabilang banda, ang tuluy-tuloy na pinapataas na lebel ng pagbubukas ng Tsina ay nagpapasulong din sa paglaki ng kabuhayang pandaigdig. Mula noong 2006, nananatili sa unang puwesto ng daigdig ang ambag ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Sa harap ng lumalalang proteksyonismo at unilateralismo sa daigdig, sa pamamagitan ng sariling mga karanasan at natamong bunga, ipinakikita ng Tsina na hindi mahahadlangan ang tunguhin ng globalisasyon, at ang pagbubukas ay siyang tanging susi sa pag-unlad. Ang bukas na Tsina ay nananatiling malakas na tagapagtaguyod ng bukas na kabuhayang pandaigdig.
Salin: Liu Kai