Nakipagtagpo dito sa Beijing nitong Miyerkules, Nobyembre 6, 2019 si Han Zheng, Pangalawang Premyer ng Tsina, kay Carrie Lam, Punong Ehekutibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR).
Sinabi ni Han na nitong nakalipas na 5 buwan, ang tuluy-tuloy na karahasan ay nakakapinsala sa pangkalahatang kapakanan ng lipunan ng Hong Kong at kapakanan ng mga residente. Aniya, ang pagpigil sa kaharasan at kaguluhan, at pagpapanumbalik ng kaayusan ay nananatili pa ring pinakamahalagang tungkulin ngayon ng Hong Kong, at ito rin ang komong responsibilidad ng mga departamentong administratibo, lehislatibo at hudisyal ng Hong Kong.
Diin ni Han, buong tatag na kinakatigan ng pamahalaang sentral ang pagsasagawa ng pamahalaan ng HKSAR ng mas aktibo't mabisang hakbangin, para lutasin ang mga problemang may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan, lalong lalo na, mga isyung gaya ng pabahay at hanap-buhay ng mga pamiliyang may katamtaman at mababang kita at mga kabataan.
Saad naman ni Lam, patitibayin ng pamahalaan ng HKSAR ang determinasyon sa pagpigil sa karahasan at kaguluhan, panunumbalikin sa lalong madaling panahon ang kaayusang panlipunan ng Hong Kong, at masipag na reresolbahin ang mga isyung may kinalaman sa pamumuhay ng mga mamamayan, para mapasulong ang matatag na pag-unlad ng kabuhayan ng Hong Kong.
Salin: Vera