Nitong ilang araw na nakalipas, lumalala ang situwasyon at mas naging marahas ang kilos ng mga radikal sa Hong Kong. Ikinasugat ang mga ito ng mahigit 100 tao, at ikinamatay ng isang inosenteng sibilyan. Sa kabilang panig ng kalagayang ito, sa halip ng pagpuna sa mga maykagagawan ng mga radikal at marahas na aksyon, binatikos ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika, ang matimping pagpapatupad ng batas ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), at umaasa aniya siyang lulutasin ng Tsina ang isyu ng Hong Kong sa pamamagitan ng di-marahas na paraan. Ipinahayag din niya ang walang katwirang pagbatikos sa "Isang Bansa, Dalawang Sistema."
Ang balighong pahayag na ito ni Pompeo ay muling nagpapakita ng pagsasagawa ng panig Amerikano ng double standard, pagbaligtad ng tama at mali, at pakikialam sa suliraning panloob ng Tsina. Muli rin nitong ibinubunyag ang tangka ng panig Amerikano, na magpataw ng presyur at lumikha ng kaguluhan sa Tsina sa pamamagitan ng isyu ng Hong Kong. Ang kasalukuyang paglala ng karahasan sa Hong Kong ay may kinalaman sa puwersang kontra-Tsina ng Amerika, at maaring sabihin na, ito ay resulta ng panunulsol ng naturang puwersang Amerikano.
Ang pagparusa, alinsunod sa batas, ng pamahalaan ng HKSAR sa mga maykagagawan ng mga radikal at marahas na aksyon ay pagtatanggol sa prinsipyong "pamamahala batay sa batas" ng Hong Kong, at sa karapatang pantao at kalayaan ng mga taga-Hong Kong. Sinabi naman kamakailan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na matatag at di-magbabago ang determinasyon ng pamahalaang Tsino, na pangalagaan ang soberanya, katiwasayan, at interes sa pag-unlad ng bansa, isagawa ang patakarang "Isang Bansa, Dalawang Sistema," at labanan ang pakikialam ng anumang puwersang dayuhan sa suliranin ng Hong Kong. Sa harap ng pahayag na ito ng panig Tsino, hindi dapat isagawa pa ng panig Amerikano ang misjudgement o maling pagkalkula sa isyu ng Hong Kong.
Salin: Liu Kai